Pages

Thursday, April 10, 2014

Sanaysay: The Importance of Education

        Bakit Napakahalaga ng Edukasyon?
               Carl Angelo Mateo Caluag

Araw-araw ay nakakakita tayo ng mga kabataang maagang pumapasok sa paaralan. Ang ilan ay may dala-dalang aklat, notbuk, at panulat; ang iba nama’y simpleng kuwaderno na pinaglumaan na ang tanging dala. Ang ilan ay naglalakbay ng napakalalayong distansya, sumasakay sa iba’t ibang uri ng sasakyan; ang iba’y naglalakad lamang dahil malapit ang eskwela o dili kaya’y walang pambayad. Malalaki ang baong salapi ng ilan; ang iba’y piso o dalawa ay ayos na. Iba man ang mga paraan at gawi ng mga estudyanteng Pilipino sa bayan at sa lalawigan, mayaman man o mahirap, nabibigkis sila ng parehong pinagkakaabalahan: ang pag-aaral.

Gaano ba ka-espesyal ang edukasyon? Bakit libu-libong salapi ang nagagastos para rito? Bakit halos lahat ng mga magulang ay nagsusumikap na mapag-aral ang kanilang mga anak? Halos naging pangunahing pangangailangan na rin ang edukasyon. Maraming mga pampubliko at pampribadong paaralan ang matatagpuan kahit saanmang dako ng bansa. At tila may mga nadaragdag pa.

Edukasyon, ayon sa kasabihan, ay ang natatanging kayamanang maipapamana ng isang magulang sa kanyang anak, isang bagay na hindi kailanman mananakaw. Totoo naman. Walang magpapatakbo ng lipunan kung walang mga edukado. Propesyunal man o simpleng gradweyt ng hayskul, basta’t nagkaroon ng pormal na pag-aaral, ay maibibilang sa mga mamamayang may malaking abilidad na makatutulong sa pamayanan. Mabibigyang karangalan din ng mga edukado ang kanilang pamilya, angkan, at bayan. Nagiging disiplinado at maayos ang takbo ng buhay ng isang tao kung siya’y edukado.

Ang ating mga lider ng pamahalaan ay hindi magiging mahusay kung hindi rin naman sila nakapag-aral, lalo’t sila’y nakapag-kolehiyo sa mga matataas na antas na unibersidad. Ang mga desisyon na kanilang naipapasya para sa ikauunlad ng bayan ay nag-ugat sa mga naituro ng kanilang mga guro’t propesor at nabasang impormasyon sa mga teksbuk. Hinubog ng edukasyon mula kindergarten hanggang kolehiyo ang malaking bahagi ng kanilang pagkatao. Marapat lamang na pagtuunan ng napakalaking pansin ang pagbibigay ng edukasyon sa kahit anong antas ng tao upang sumulong din ang bayang kanilang pinagsisilbihan.


Maaari na ba nating masagot kung bakit napakahalaga ng edukasyon?

No comments:

Post a Comment