Bonifacio: Sagisag ng Katatagan ng Isang Pilipino
Carl Angelo Mateo Caluag
“Kung sa pagtatanggol, buhay ay mapatid, ito'y
kapalaran at tunay na langit!” ang kataga ni Gat Andres Bonifacio mula sa
kanyang akdang “Pag-ibig sa Tinubuang Lupa.” Isang huwaran ng pagiging magiting
at mapagmahal sa bayan, si Andres Bonifacio ay di maikakailang isang bayani ng
bayang Pilipinas. Sa kanyang naipamalas na katapangan ay naipahayag niya na
kalugud-lugod ang mamatay para sa bayang sinilangan. Napatunayan din niyang
hindi makahahadlang ang anumang kahirapan sa buhay upang makapagsilbi sa bayan.
Walang takot niyang hinarap ang kumalaban sa kanyang mga kababayan.
Hindi man kinikilalang pambansang bayani ang marangal na
taong ito, nananatili pa rin ang kanyang mabuting halimbawa ukol sa pag-ibig sa
bayan. Tiniis ang paghihirap at pag-aalipusta ng mga kaaway, nanindigan siya
para sa pagtatanggol sa kanyang mga kababayan. Hindi man siya perpekto upang
mapagtagumpayan ang lahat ng kanyang mga pinagsikapan, naitaas niya ang
pangalang “Pilipinas” sa abot ng kanyang makakaya. Mahusay din niyang
napamunuan ang organisasyong Katipunan na naging ugat ng kagitingang
panlipunan. Dugo at pawis ay kaniyang binuwis upang ang kanyang minamahal na
bayan ay maging sagisag ng pambansang kabutihan.
Ang mga di-mabilang na ambag ni Andres Bonifacio sa mga
mamamayan ng Pilipinas ay napakalaking pagpapala. Ang mga naipamana niyang ito
ay hindi nabubulok ni nananakaw ng sinuman. Sa nagdaang araw ng kapanganakan ni
Andres Bonifacio ay huwag nawang maisantabi ang kahalagahan ng araw na ito.
Nawa’y kaakibat ng pagsaludo ng sambayanang Pilipino ay ang pagtulad sa
marangal na taong ito. Gaya ni Bonifacio, nawa’y mapatunayan ng bawa’t isa ang
kagalingan, karunungan, at katatagan ng isang tunay na Pilipino.
No comments:
Post a Comment