Mga Epekto at Aral ng Yolanda
Carl Angelo Mateo Caluag
Sa pagbuhos ng isang di-pangkaraniwang unos, marami ang
nagtanong, “Ito na ba ang katapusan ng mundo?” Kahit sa isang bahagi lamang ng
Pilipinas bumagsak ang bagyong ito, tila buong mundo ay nawasak ng napakalakas
na hangin at ulan nito. Halos sanay na ang Pilipinas sa tuwing may pag-aanunsyo
ng panibagong bagyo. Ngunit sa kabila ng paghahanda ng mga taong bayan, hindi
naiwasan ang pagkawala ng milyun-milyong buhay at pagkasira ng milyun-milyong
pag-aari ng mga taga-Bisaya. Ito ang bagyong Yolanda, isa sa mga
pinakamatitinding bagyo sa kasaysayan ng Pilipinas.
Katatapos pa lang ng lindol sa Cebu nang dumating ang
bagyong Yolanda. Naging sunud-sunod ang mga kalamidad lalo na sa may bandang
Kabisayaan. Marami ang nagulantang, nalungkot, at naawa sa mga nasalanta ng
delubyong ito. Sa paligid lamang ng mga nagugutom at nauuhaw na mga taong-bayan
ay nakahandusay ang mga labi ng mga taong namatay. Kalunus-lunos ang kalagayan
ng mga nasalanta sa tuwing mapapanuod sa telebisyon o mapapakinggan sa radyo.
Kasunod nito, dumating ang tulong ng pamahalaan na lubhang
nakabibigo dahil sa bagal nito. Hindi kasya ang naibibigay na mga donasyon ng
gobyerno, kaya nagsidatingan ang mga tulong mula sa iba’t ibang bansa. Sa lahat
ng mga network sa telebisyon, sa internet, at sa radyo ay may naibibigay na mga
paraan kung paano makatutulong ang mga nais makatulong. Sa mga paaralan,
ospital, at opisina ay nagkakaroon ng mga pagkolekta ng mga “relief goods.” Sa
kabila ng lahat ng ito, isang aral ang itinuturo sa atin ng unos na ito: huwag
mapalagay sa araw-araw na pangyayari sa buhay; bagkus ay matutunan ng bawat isa
na maging mapagpasalamat sa mga pagpapalang patuloy na ibinibigay ng Panginoon.
No comments:
Post a Comment