Pages

Thursday, April 10, 2014

Sanaysay: 150th Anniversary of the Independence Day of the Philippines

Ang Kasaysayan ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas
Carl Angelo Mateo Caluag

                Maraming mga okasyon ang natatangi sa buhay ng mga Pilipino. Isa na rito ay ang Araw ng Kalayaan. Ito ay ginaganap tuwing ika-labindalawa ng Hunyo kada taon. Ito ang panahon kung saan inaalaala at ginugunita ng bawat Pilipino ang pagtatamo ng pagka-independente ng bansa. Ang orihinal na petsa ng paggunita nito ay sa ikaapat ng Hulyo, na siyang tunay na araw ng paglaya ng mga Pilipino sa kamay ng tatlong pangunahing mananakop ng bayan, hanggang sa pagbabago nito noong 1962. Noong ika-labindalawa ng Mayo, 1962 at ikaapat ng Agosto, 1964, pormal na nilagdaan sa katauhan ni Pangulong Diosdado Macapagal ang Proklamasyon ng Pangulo bilang 28, na nagtatakda ng paglilipat ng petsa ng Araw ng Kalayaan mula ikaapat ng Hulyo hanggang ikalabindalawa ng Hunyo, sa dahilang ito ay ang ganap na panahon ng pagkilala ng mga Pilipino sa kanilang karapatang makapagtatag ng isang bayang may soberenya at sariling pamamahala.
                Ano nga ba ang kasaysayan tungo sa kalayaan ng ating bansa? Nagsimula ang lahat sa pag-aalsa ng mga rebolusyonaryong Katipunero noong 1896, na nagdulot sa kasunduan sa pagitan ni gobernador-heneral Primo de Rivera at ng mga Pilipino. Dahil dito, ipinatapon si Emilio Aguinaldo, dating alkalde ng Cavite at lider ng rebolusyon doon, papuntang Hong Kong. Samantalang patuloy ang paghahangad ng mga Pilipino sa kanilang paglaya, lihim na gumagawa ang magiting na lider sa ibayong dagat upang makapagplano ng mga istratehiya. Kaniyang kinausap sina Rounceville Wildman, konsul ng Amerika sa Hong Kong, at E. Spencer Pratt, konsul ng Amerika sa Singapore, na kapwa nakipagkasundo na tutulungan ng bansang Estados Unidos ang Pilipinas upang makamit ang emansipasyon ng bansa laban sa mga Espanyol, sa kondisyong papanig ito sa kanila. Bagaman walang isinulat na pormal na dokumento ang dalawang panig, pumayag pa rin si Aguinaldo sa paniniwalang maaaring ito na ang sagot sa kanilang matagal nang suliranin. Nilabanan ng pwersang Amerikano, sa pamumuno ni Komodoro George Dewey, ang mga plotang Espanyol, na pinamumunuan ni Almirante Patricio Montojo, kung saan ang una ay nagwagi sa kabila ng mas kaunting bilang. Dahil dito, nagsimulang humina ang lakas ng mga Kastila sa mga bayan at lalawigan, at unti-unting naitaboy ang mga ito.


                Sa pagbalik ni Emilio Aguinaldo sakay ng barkong McCulloch papuntang Cavite, dala-dala niya ang mga susi sa pagtataguyod ng kalayaan ng bansa. Habang nasa Hong Kong pa lamang, itinahi na nina Marcela Agoncillo, Lorenza Agoncillo, at Delfina Herbosa de Natividad ang watawat ng Pilipinas. Sa balkonahe ng bahay ni Aguinaldo sa Cavite El Viejo (kasalukuyang Kawit) ginanap ang pagwawagayway ng pambansang sagisag ng bansa habang pinatutugtog ang Marcha Nacional Filipina (dating kilala bilang Marcha Filipina Magdalo, at ngayon bilang Lupang Hinirang), na ginawa ni Julian Felipe, isinulat ni Jose Palma, at ginanap ng bandang San Francisco de Malabon. Si Ambrosio Rianzares Bautista, isang abugado at awtor, ang lumikha at bumasa ng Kasulatan ng Deklarasyon ng Kalayaan, na nilagdaan ng siyamnapu’t walong katao. Sa totoo lang ay hindi tinanggap ng kapwa Espanyol at Amerikano ang pangyayaring ito, ngunit sa kabila ng lahat, ito ang nag-ugat sa isipan ng mga Pilipino sa kagustuhang magkaroon ng sariling pamamahala ang Pilipinas, kung saan naging unang pangulo ng unang republika si Aguinaldo. Ngayong ika-sandaan at limampu’t limang anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas, na may temang, “Ambagan Tungo sa Malawakang Kaunlaran,” muling ginugunita ng sambayanang Pilipino ang pangyayaring nagsimula sa kagitingan ng ating mga unang ama na magkamit ng kasarinlan, na ngayo’y tinatamo ng bawat isa. Sa patuloy na pag-unlad ng mga Pilipino sa iba’t ibang larangan, nawa’y matanim at huwag mahugot sa puso ng lahat ang mithiing maipaglaban ang kalayaan at kapangyarihan ng ating minamahal na bansa, na siyang “lupa ng araw, ng luwalhati’t pagsinta.”

No comments:

Post a Comment